Batang Gilas dapa sa Korea
MANILA, Philippines - Nabigo ang National U-18 basketball team na kunin ang pangunguna sa Group B sa FIBA Asia U-18 Championship nang natalo sa Korea, 87-69, kahapon na ginawa sa Al-Gharafa sa Doha, Qatar.
Nakalamang lang ang Batang Gilas sa kaagahan ng unang yugto sa 10-4 sa buslo ni Mark Anthony Dyke pero sina Kim Kyungwon, Hyeok Joon Kwon at Junh Yeong Byeon ay nagsanib sa 19-7 palitan para kunin ang 23-17 kalamangan.
Hindi na nakabangon pa ang Nationals dahil sa maraming errors at ang kawalan ng magandang depensa sa mga shooters ng Koreans.
Mga triples nina Kwon at Hyunwoo Jeon ang nagpasiklab sa pamatay na 11-2 palitan para itala ng Koreans ang pinakamalaking bentahe sa laro na 16 puntos, 76-60.
Sina Kim, Kwon at Kyochang Song ay naghatid ng tig-17 puntos para sa Korea na tinapos ang group elimination bitbit ang 2-0 karta.
Si Ranbill Tongco ay may 24 puntos sa 8-of-18 shooting kasama ang limang triples habang si Dyke ay may 10 puntos at 13 rebounds.
Nagkaroon din ng 23 turnovers ang tropa ni coach Jamike Jarin sa ginawang 23 puntos pa ng Koreans.
Pumangalawa ang Pilipinas sa 1-1 habang ang ikatlong koponan sa grupo na Jordan (0-2) ang makakasamang aabante sa second round.
- Latest