1st Sun Cellular-Ming Ramos National Jr. badminton Visayas leg sa Aug. 29
MANILA, Philippines - Matapos maidaos ang Luzon leg noong Hulyo, isasagawa naman ng 1st Sun Cellular-Ming Ramos National Juniors Badminton Tournament ang Visayas leg sa Agosto 29-31 sa Raquet Zone Badminton Center, Montebello Villa Hotel Compound sa Apas, Cebu City.
Layunin ng three-leg competition na makadiskubre ng mga potensyal na talento mula sa Visayas region.
Higit sa 350 partisipante mula sa Cebu, Iloilo, Bohol, Leyte at Samar at ilan pang lugar sa Visayas region ang inaasahang lalahok sa nasabing annual tournament na may basbas ng Philippine Badminton Association (PBA).
Ang Mindanao leg ay nakatakda naman sa Oktubre 3-5 sa General Santos bilang bahagi ng tatlong qualifying legs.
Ang magkakampeon sa tatlong qualifying legs ang kakatawan sa kani-kanilang rehiyon para sa National Finals sa Manila.
Ang mga kategorya ay ang Boys at Girls Singles para sa U-13, U-15,U-17 at U-19 at ang Boys Doubles, Girls Doubles at Mixed Doubles sa U-15, U-17 and U-19.
Ang torneo ay suportado ng Sun Cellular, SMART Communications, Manny V. Pangilinan (MVP) Sports Foundation, Philippine Badminton Association Smash Pilipinas at Babolat.
- Latest