3 miyembro ng Grand Slam teams panauhin sa PBA Annual Awards
MANILA, Philippines - Masisilbing guest of honor at speaker ang tatlong miyembro ng Grand Slam teams mula sa iba’t ibang taon para sa 2014 PBA Press Corps Annual Awards Night sa Huwebes sa Richmond Hotel sa Eastwood City, Libis, Quezon City.
Ikukuwento nina cage greats Fortunato ‘Atoy’ Co, Hector Calma at Jojo Lastimosa ang kanilang mga karanasan sa pagkumpleto ng three-conference sweep sa isang season para sa nasabing espesyal na okasyon na may temang ‘There Are Champions…and There Are Grand Slam Champions!’
Ang San Mig Coffee Mixers ang pinakabagong koponang kumuha ng Grand Slam matapos ang 18 taon.
Si Co ang isa sa mga pambato ng Crispa Redmanizers team na nakakuha ng dalawang Grand Slams sa PBA history matapos noong 1976 sa ilalim ni legendary coach Virgilio ‘The Maestro’ Dalupan at noong 1983 sa paggiya ni Tommy Manotoc.
Naging chief point guard naman si Calma ng San Miguel Beer franchise na nagkampeon ng tatlong sunod noong 1989 mula sa paggiya ni Norman Black, habang si Lastimosa ang inasahan ni coach Tim Cone para sa Grand Slam ng Alaska noong 1996.
Ang tatlo ang makakasama ng mga scribes sa ilalim ni president Barry Pascua ng Bandera na nagkokober ng PBA beat sa pagpaparangal sa mga personalidad na nangibabaw sa nakaraang 39th season kasama ang mananalo ng Coach of the Year at Executive of the Year.
Unang idinaos noong 1993, ang PBAPC Awards Night ay suportado ng PBA, Alaska, Barangay Ginebra, San Miguel, Barako Bull, Blackwater Sports, Globalport, Kia Motors, Meralco, NLEX, Rain or Shine, San Mig Super Coffee at Talk `N Text.
Hinirang si Marc Pingris bilang Defensive Player of the Year kasama ang kanyang mga San Mig Coffee teammates na sina Peter June Simon at Mark Barroca, tatanggap ng Quality Minutes at Order of Merit awards, ayon sa pagkakasunod.
- Latest