Nadiskaril ang mga nanalig sa Pugad Lawin
MANILA, Philippines - Nadiskaril ang nanalig sa galing ng Pugad Lawin nang mabigo ang outstanding favorite na manalo sa Philracom-Bagatsing Cup Division 1 race sa San Lazaro Leisure Park sa Carmona, Cavite.
Si Jessie Guce ang siyang dumiskarte sa 2013 Presidential Gold Cup champion ngunit umayaw ang kabayo pagpasok sa karera para malagay sa ikaapat na puwesto lamang.
Ang nakitaan ng ibayong tikas ay ang Don Albertini ni Kevin Abobo na nagtala ng ‘di inaasahang banderang tapos na panalo sa 1,600-metro distansyang karera.
Naorasan ang nanalong tambalan ng 1:44 sa kuwartos na 25, 24’, 25, 29, para maibulsa rin ang unang gantimpala na P420,000.00 mula sa P700,000.00 na inilaan sa karera ng Philippine Racing Commission.
Ang El Libertador ang pumangalawa para kunin ang P157,500.00 premyo habang ang Borj Kahlifa ang pumangatlo para sa P87,500.00.
May P35,000.00 ang connections ng Pugad Lawin habang nangulelat at walang nakuhang premyo ang Batangas Magic.
Naunang kumulekta ng panalo sa makulay na pista na inialay para sa nasirang Alkalde ng Maynila na si Ramon D. Bagatsing ay ang Providence sa Race 1 na sinahugan ng P400,000.00 gantimpala. Tama lamang ang pagpapakawala ni JD Juco sa bilis na taglay ng Providence para abutan hanggang sa manalo pa ng halos kalahating agwat ang naunang bumanderang Cash Register ni Hernandez.
Pumalo sa P240,000.00 ang premyong naiuwi ng connections ng nanalong kabayo habang P90,000.00 ang binitbit ng may-ari ng Cash Register.
Samantala, magdaraos ng karera ngayon sa Santa Ana Park sa Naic, Cavite at sinahugan ang walong nakaprograma ng P214,000.00 premyo na hahatiin sa mangungunang apat na kabayo. (AT)
- Latest