Phl tumabla sa Bangladesh
MANILA, Philippines - Tinalo ni GM Julio Catalino Sadorra si GM Ziaur Rahman para maipaghiganti ang unang pagkatalo ni GM Eugene Torre sa kamay ni GM Enamuki Hossain at magtabla ang Pilipinas at Bangladesh sa pagpapatuloy ng 41st Chess Olympiad sa Tromso, Norway noong Linggo.
Kinapitalisa ni Sadorra ang mahinang paggamit ni Rahman ng Larsen Opening para manalo matapos lamang ang 22 sulong.
Naghati ng puntos sina GM John Paul Gomez at pamalit na si GM Jayson Gonzales kina GMA Al-Rakib Abdulla at GM Niaz Murshed pero minalas na natalo si Torre kay Hossain sa Ruy Lopez game.
Matapos ang walong rounds, ang Pilipinas ay nasa pakikisalo sa 74th puwesto sa kalalakihan. Sunod nilang kalaban ay ang Pakistan.
Hindi rin pinalad ang women’s team dahil lumasap ang koponan ng 1-3 pagkatalo sa Mongolia para malagay sa pakikisosyo sa 39th place mula sa dating pang-25th.
Si Jan Jodilyn Fronda ang pumigil sa sana ay shutout na pagkatalo nang gibain si Uuganbayar Lkhamsuren sa 85 moves ng Dutch Defense.
Sina Chardine Cheradee Camacho, Janelle Mae Frayna at Catherine Perena ay natalo kina IM Batkhuyag Munguntuul, WGM Tuvshintugs Batchimeg at Bayanmunkh Ankhchimeg.
- Latest