Batang Gilas sasagupain ang Angola ngayon
DUBAI--Kaagad na makakaharap ng Team Philippine ang Angola sa pagdribol ng FIBA U17 World Championship ngayon sa Al Ahli Arena.
Magtatapat ang Batang Gilas at ang Angolans, ang 11-time African champions, ngayong alas-3:45 ng hapon (alas-7:45 ng gabi sa Manila).
Ang Angola ay may tatlong six-foot-nine players bukod pa sa ilang perimeter defenders.
Sinabi ni Batang Gilas coach Jamike Jarin na hindi sila takot makipagsabayan sa Angola matapos nilang talunin ang malalaking Iran, India at Kazakhstan sa nakaraang FIBA Asia U16 Championship sa Tehran noong nakaraang taon.
“The Angolans are big,” ani Jarin, inihatid ang Ateneo Blue Eaglets sa ilang titulo sa University Athletic Association of the Philippines juniors division.
Sina starters Richard Escoto, Mike Nieto, Paul Desiderio, Jolo Mendoza at Matt Nieto ang sasandigan ng Batang Gilas.
Gagamitin din ng koponan ang kanilang bilis at outside shooting laban sa Angolans.
Matapos ang Angola, ang susunod na makakasagupa ng Batang Gilas ay ang Greece bukas bago ang kanilang pahinga sa Linggo at ang pagsabak sa United States sa Lunes.
Si 6’8 rebounder Silvio Sousa ang mangunguna sa depensa katuwang sina wingmen Joao Jungo at Avelino Do para sa Angola, nakakuha ng tiket sa torneo matapos talunin ang Egypt sa FIBA Africa U16 Championship sa Madagascar noong nakaraang taon.
- Latest