Cagayan, Air Force pupuwesto sa F4
MANILA, Philippines - Pagtitibayin ng nagdedepensang kampeon Cagayan Valley Lady Rising Suns ang makausad sa Final Four sa pagsipat ng panalo sa Army Lady Troopers sa Shakey’s V-League Season 11 Open Conference ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Ikapitong panalo sa walong laro ang masisinagan ng Lady Rising Suns kung manaig sa Lady Troopers sa kanilang alas-2 ng hapon na bakbakan.
Ipupuwesto naman ng Air Force Air Spikers ang sarili sa semifinals sa ligang inorganisa ng Sports Vision at handog ng Shakey’s bukod sa ayuda ng Mikasa at Accel, kung manalo sila sa inspiradong Ateneo Lady Eagles sa tampok na laro dakong alas-4 ng hapon.
May 6-3 karta ang nasa ikaapat na puwesto na Air Spikers, makakasama rin nila ang pahingang PLDT Home Telpad Turbo Boosters na papasok sa crossover semifinals dahil hindi na aabot ang Ateneo at pahingang National University sa pitong panalo.
Pinabagsak ng Air Force ang Army, 20-25, 25-19, 25-19, 25-22, noong Martes at sasandal uli ang koponan sa husay nina Joy Cases, Maika Ortiz, Judy Caballejo, Rhea Dimaculangan at Jociemer Tapic.
Handa naman tapatan ng Lady Eagles ang init ng laro ng katunggali matapos ang straight sets panalo sa PLDT.
Ang mahusay na si Alyssa Valdez na ngayon ay may kabuuang 211 puntos na sinangkapan ng 182 kills, ang mamumuno sa koponan habang ang suporta nina Amy Ahomiro, Michelle Morente at Julia Morado ay masisilayan din para magpatuloy ang paghahabol sa kampeonato ng liga.
Ito ang unang laro sa yugto ng Lady Rising Suns at inaasahang ipakikita uli ng koponan ang magandang depensa.
Ang Cagayan ang numero uno sa blocks at digs habang ang mga aatake ay sina Aiza Maizo at Janine Marciano.
Hindi pa tiyak kung makakabalik na si Rachel Ann Daquis mula sa injury ngunit malakas pa rin ang puwersa ng Lady Troopers sa katauhan nina Mary Jane Balse, Jovelyn Bautista, Nerissa Bautista at Tina Salak. (ATan)
- Latest