4 teams tiniyak na ang paglahok sa PBA D-League
MANILA, Philippines - Apat na koponan ang nagkumpirma na ng kanilang pagsali sa 2015 PBA D-League Aspirants’ Cup na magsisimula sa Oktubre 27.
Babalik ang Café France at Jumbo Plastic Linoleum habang sasali uli ang nagpahinga sa Foundation Cup na Wangs Basketball para samahan ang baguhang Racal Motor sales Corporation.
Ang datihang Cebuana Lhuillier at Boracay Rum ang nagpasabi na sasali uli habang ang bagong koponan sa PBA na Kia Motors/M. Pacquiao ay nagbabalak din na bumuo ng hiwalay na koponan.
Tataas ang interes na sumali sa liga dahil maipapalabas ang mga laro sa IBC 13.
Ang six-time champion NLEX Road Warriors at Blackwater Sports ay umakyat na sa PBA para matiyak na ‘wide open’ ang labanan para sa titulo sa pambungad na conference ng liga sa susunod na taon.
Sinabi naman ni PBA commissioner Chito Salud na sa Hulyo 30 ang huling araw para magsumite ng Letter of Intent ang mga kumpanyang nais na sumali sa liga.
Sa Setyembre 1 naman itinakda ang pagbayad ng tournament fee.
Binanggit pa ni Salud na ang Rookie Draft ay gagawin sa Setyembre 16 kaya ang deadline para a Fil-foreign players na gustong pumasok ay sa Agosto 22 habang sa Agosto 28 ang deadline sa mga Filipino players.
Ang mga koponan na may tambalan sa mga school teams ay dapat na isumite sa pamunuan ng liga ang kanilang rookies hanggang Setyembre 4 para malaman ang kanilang drafting order.
- Latest