Tiket sa Last Home Stand sisimulan na ang pagre-refund
MANILA, Philippines - Kagaya ng pangako ni telecommunications tycoon at sports patron Manny V. Pangilinan, sisimulan ng PLDT sa Miyerkules ang pagre-refund ng mga tiket sa nakanselang charity games sa pagitan ng Gilas Pilipinas at ng NBA Selection.
Ayon sa mga organizers, ang mga tickets holders na bumili ng tiket sa Ticketnet outlets ay maaaring makuha ang kanilang cash refund sa Ticketnet box office sa Smart Araneta Coliseum yellow gate simula alas-10 ng umaga hanggang alas-8 ng gabi araw-araw.
Kailangan lamang nilang iprisinta ang kanilang mga tickets at pangalan para makuha ang full cash refund.
Mababawi naman ng mga fans ang kanilang ipinambili ng tiket sa Ticketnet Online (www.ticketnet.com.ph) sa pamamagitan ng kanilang credit card bill.
Para sa impormasyon ukol sa refund process, ang mga ticket holders ay maaaring tumawag o mag-text sa 0919-6140865 o sa email [email protected].
Ang tiket sa Patron A section ay nagkakahalaga ng P23,300 kasunod ang P20,970 sa Patron B, P17,475 sa Patron C, P9,500 sa Lower Box Premium, P8,000 sa Lower Box Regular, P4,000 sa Upper Box Premium, P2,500 sa Upper Box Regular at P750 sa General Admission.
Kinansela ng nag-organisang PLDT at promoter na East-West Private LLC ang ‘Last Home Stand’ charity event sa Smart Araneta Coliseum noong Martes at Miyerkules dahil sa babala ng NBA na papatawan ng suspensyon ang mga NBA players na makikibahagi rito.
Ayon sa statement ng opisina ni NBA Commissioner Adam Silver, noong Abril pa ay sinabihan na nila ang East-West Private LLC ng requirements para mapayagan nila ang paglalaro ng mga NBA stars.
Ngunit hindi ito tinupad ng naturang promoter.
Kaagad na humingi ng paumanhin si Pangilinan kasabay ng paghingi ng patuloy na suporta ng mga Filipino fans para sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup sa Spain at sa Asian Games sa Incheon, Korea.
- Latest