Lions itutuloy ang ratsada sa 5 dikit vs Generals
MANILA, Philippines - Pagsisikapan pa ng four-time defending champion San Beda Red Lions na mapanatili ang malakas na panimula sa pagbabalik-laro ng 90th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Kasukatan ng Lions ang Emilio Aguinaldo College Generals sa unang seniors game sa ganap na alas-2 ng hapon at ikalimang sunod na panalo ang makukuha ng koponan kung mananaig sa laban.
Kapag nangyari ito, lalayo pa ang tropa ni coach Boyet Fernandez sa dalawang laro sa pumapangalawa at wala ring talo na Perpetual Help Altas.
Ipinalalagay na paborito ang Lions dahil ang Generals ay may dalawang sunod na kabiguan matapos manalo sa unang asignatura.
Hindi naman magpapabaya ang San Beda na aasa sa magandang laro mula kay Ola Adeogun para tapatan ang mahusay na foreign player ng Generals na si Noube Happi.
Babangon naman ang Letran mula sa masakit na pagkatalo sa host Jose Rizal University Heavy Bombers sa pagbangga sa St. Benilde dakong alas-4 ng hapon.
Talunan ng Knights ng Bombers, 60-69, at nakita rin sa laro ang ejection bunga ng magkasunod na technical fouls kay Caloy Garcia.
Hindi makakaupo sa bench ng Knights si Garcia pero makakalaro ang co-team captain na si Mark Cruz na nauna ring binigyan ng one-game suspension matapos sugurin ang referee na si Ian Borbe.
Sa review ng Management Committee sa pangunguna ni Paul Supan sa apela ng Letran, nagdesisyon ang pamunuan ng liga na bigyan na lamang ng warning si Cruz upang magkaroon pa rin ng matibay na puwersa ang Knights sa pagharap sa Blazers na hindi pa nananalo matapos ang tatlong laro.
- Latest