Viloria humihirit ng rematch kay Estrada
MANILA, Philippines - Unti-unti ay umaakyat si Brian Viloria sa itaas.
Matapos ang higit sa isang taon makaraang maisuko ang kanyang world title, itinala ng 33-anyos na Hawaiian Punch ang kanyang ikalawang sunod na panalo sa Cotai Arena ng The Venetian Hotel sa Macau.
Isang left hook sa katawan ang ipinadapo ni Viloria kay Mexican Jose Alfredo Zuniga sa 1:42 minuto sa fifth round para sa kanyang tagumpay at itaas sa 34-4-0 ang win-loss-draw ring record niya.
Nagbalik si Viloria sa arena kung saan niya naisuko ang mga suot na WBO at WBA flyweight titles kay Juan Francisco Estrada noong Abril noong nakaraang taon.
Umaasa ngayon si Viloria na maitatakda ang kanilang rematch ni Estrada sa hangaring mabawi ang kanyang mga korona.
Kaagad nag-init ang 2000 Sydney Olympic campaigner na si Viloria, dating naghari sa junior flyweight division, laban sa 25-anyos na si Zuniga.
Kumonekta si Viloria sa third at fourth rounds kung saan niya napuruhan si Zuniga, nalasap ang kanyang ikaanim na kabiguan sa 18 fights.
Bumagsak si Zuniga matapos masuntok ni Viloria sa bodega kasunod ang pagbilang ni Filipino referee Danrex Tapdasan.
- Latest