Win No. 2 pakay ng Gilas vs Singapore
MANILA, Philippines - Ikalawang sunod na panalo ang nakaumang sa Gilas Pilipinas sa pagharap sa Singapore ngayon sa 5th FIBA Asia Cup sa Wuhan Sports Centre, Wuhan, China.
Galing ang koponan mula sa 78-64 panalo sa Chinese Taipei noong Sabado at inaasahang walang magiging problema ang tropa ni coach Chot Reyes sa paggapi sa Singapore.
Nagbukas ng kampanya ang Singapore kahapon at sila ay dinurog ng Jordan, 70-53.
Inaasahang gagamitin ni Reyes ang labang ito na magsisimula sa ganap na alas-2:45 ng hapon bilang preparasyon sa mas malaking laban bukas kontra sa Jordan na hawak ni dating Gilas coach Rajko Toroman.
Isa sa mga dapat na mapag-ibayo ng Pambansang koponan ay ang kanilang turnovers matapos magtala ng 30 sa panalo sa Chinese Taipei.
Hindi naman nagrereklamo si Reyes dahil ito ang unang torneo na sinalihan ng koponan matapos ang FIBA Asia Men’s Championship noong nakaraang taon na ginawa sa Pilipinas.
Hindi pa lahat ng kasapi ng koponan ay kasama at may mga baguhan tulad nina Paul Lee, Anthony Washington at mga Cadet players na sina Garvo Lanete at Kevin Alas.
“This is the first game after a long time,” ani Reyes sa fibaasia.net.
- Latest