Algieri humihingi ng malaking premyo sa laban kay Pacquiao
MANILA, Philippines - Tumanggap lamang si Chris Algieri ng $100,000 sa kanyang panalo kay Ruslan Provodnikov para sa World Boxing Organization (WBO) light welterweight crown noong Hunyo 14.
Ngayong isa na siyang world boxing champion ay mas malaking fight purse na ang hinihingi ng 30-anyos na si Algieri.
At posibleng mangyari ito kapag naplantsa ang kanilang laban ni Manny Pacquiao sa Nobyembre 22 sa Macau, China.
“If we’re going to make this fight happen, I value myself and my health very highly and what I’ve been doing for the past 20 years. I just want what I deserve,” sabi ng 5-foot-10 na Italian-Argentinian fighter.
Sinasabing inalok si Algieri ni Bob Arum ng Top Rank Promotions ng $1.5 milyon para labanan ang Filipino world eight-division champion na si Pacquiao.
Ngunit wala pa siyang pinipirmahang offer sheet.
Alam ni Algieri ang premyong nakukuha ng mga nakakalaban ng 35-anyos na si Pacquiao.
Tumanggap sina Brandon Rios, Timothy Bradley, Jr. at Juan Manuel Marquez ng mula $2 milyon hanggang $4 milyon sa pakikipagsagupa kay ‘Pacman’.
Noong 2010 ay kumita si Joshua Clottey ng $1.5 milyon.
“With Josh Clottey, he wasn’t an undefeated world champion. I am. I got two things that are very important--that WBO championship belt and a zero at the end of my record,” ani Algieri.
- Latest