PFF ipasusuri ang football field sa RMSC
MANILA, Philippines - Ipasusuri ng Philippine Football Federation ang bagong gawang Rizal Memorial artificial football field para magamit ito sa malalaking torneo na may basbas ang FIFA.
Nasa standard ang sukat ng field na 105-meters x 68-meters ngunit kailangan pa ng sertipikasyon sa ibang aspeto para mabigyan ng basbas ng FIFA.
“Dadaan ito sa mga examination tulad ng pagtalbog ng bola at iba pa. Kung makakapasa ito, magagamit na ang field para makapagdaos ng international football competition,” wika ni PFF secretary-general Atty. Ed Gastanes.
Ang tiyak pa lamang ngayon ay gagamitin ang field ng PFF para sa ginagawang 1st PFF Women’s Cup at ang isusulong na 2014 Peace Cup na nakakalendaryo mula Setyembre 1 hanggang 9.
May tatlong bansa ang inaasahang makikipaglaro sa Pilipinas sa nasabing torneo. Gumasta ang PSC ng P19 milyon para sa artificial turf at sulit umano ito ayon kay PSC chairman Ricardo Garcia dahil pangmatagalan na ito.
“Wala ng maintainance na kailangang gawin sa field at 24/7 puwede itong laruan at kahit umuulan pa. Ginawa namin ito para sa mga Filipino at mawala man kami rito ay nandiyan at mapapakinabangan pa rin ang pitch,” ani Garcia.
Matagal ng nagbabalak ang Pilipinas na mag-host ng prestihiyosong torneo pero hindi magawa dahil sa walang magandang pitch. (AT)
- Latest