Germany binugbog ang Brazil, pasok sa Finals
BELO HORIZONTE, Brazil--Umararo ang Germany ng limang goals sa loob ng 18 minuto sa first half para ang inasahang klasikong pagkikita ng koponan at ng host Brazil ay nauwi sa di-inaasahang 7-1 dominasyon sa semifinals ng FIFA World Cup kahapon.
Ang naunang mala-carnaval na kapaligiran dahil sa mainit na suporta sa home team ay naglaho at umagos ang luha sa mata ng mga Brazilians na hindi makapaniwala na mapapahiya ng ganito sa pinaka-prestihiyosong kompetisyon sa football.
Si Oscar ang nakapaghatid sa natatanging goal ng Brazil na nangyari sa 90th minute upang maisalba ang koponan sa sana’y mas nakakahiyang scoreless na pagkatalo.
Wala naman dapat sisihin sa pinakamasamang pagkatalo ng Brazil sa World Cup kungdi ang kanilang sarili dahil naglatag sila ng napakahinang depensa para makaalagwa agad ang Germans.
Sa 11th minute nagbukas ang scoring ng laro sa katauhan ni Thomas Mueller na nalibre sa corner.
Ang ikalawang goal ay nangyari sa 23rd minute na hatid ni Miroslav Klose bago umani ng magkasunod na goals si Toni Kroos sa loob lamang ng tatlong minuto. Ang ikalimang goal sa first half ay ginawa ni Sami Khedira sa 29th minute.
Kahit ang pamalit ng Germany na si Andre Schuerrle ay nagpista sa pag-iskor nang nakadalawa sa 69th at 79th minute.
Ang panalo ay nagtulak sa Germany sa championship at makakalaban nila ang mananalo sa pagitan ng Netherlands at Argentina.
Makasaysayan din ang panalong ito para sa 36-anyos na si Klose dahil ang kanyang goal ay ika-16th niya sa World Cup para tumayo bilang all-time scorer ng liga.
Bago ito ay nakapantay ni Klose, nagsimulang maglaro sa World Cup noong 2002 si Brazil striker Ronaldo sa 15 goals.
“I don’t think I can really measure what that it all means just yet, it’s difficult to think about that after a match like this,” wika ni Klose.
Lalaban pa rin ang Brazil pero ito ay para sa ikatlong puwesto na lamang kontra sa matatalo sa Netherlands at Argentina.
- Latest