Germany, France maglalaglagan
RIO DE JANEIRO--Magkakaroon pa rin ng European team sa semifinals ng World Cup dahil sa pagkikita ng Germany at France sa isang laro sa quarterfinals.
Ang dalawa ay magtutuos sa Sabado (Manila time) sa Maracana para madetermina kung sino sa kanila ang magpapatuloy ng kampanya para sa titulo sa prestihiyosong torneo sa football.
Nasa ika-siyam na sunod na World Cup quarterfinals ang Germany at ipinalalagay na bahagyang paborito sa France na nagpakita ng tibay ng dibdib para maabot ang yugtong ito.
Dalawang goals ang binutas ng French booters sa huling 11 minuto tungo sa 2-0 panalo sa Nigeria.
Marami naman ang pumuna sa tila pagbaba ng kalidad ng France matapos umiskor ng kabuuang walong goals laban sa Switzerland at Honduras.
Tanggap ni France coach Didier Deschamps ang maging underdog sa laban.
Lamang man sa karanasan, may mga naniniwala na puwedeng matalo ang Germany matapos mahirapan sa Algeria na kanilang tinalo sa 2-1 iskor.
Karanasan sa German, tibay ng dibdib at determinasyon sa France.
Sino ang mangingibabaw ay malalaman matapos ang kanilang pagkikita.
- Latest