Mixers lalapit sa grand slam Painters babawi sa game 2
Laro Ngayon
(Smart Araneta
Coliseum)
8 p.m. San Mig Coffee vs Rain or Shine
(Game 2)
MANILA, Philippines - Pipilitin ng Mixers na makalapit sa pinapangarap nilang Grand Slam.
Hawak ang 1-0 abante, sasagupain ng nagdedepensang San Mig Coffee ang Rain or Shine sa krusyal na Game Two ng kanilang best-of-five championship series para sa 2014 PBA Governors’ Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Sa 104-101 panalo sa Game One noong Martes ay kinailangan ng Mixers na bumangon mula sa isang 17-point deficit sa third period para talunin ang Elasto Painters.
Humugot si two-time PBA Most Valuable Player James Yap ng 10 sa kanyang 14 points sa fourth quarter, tampok dito ang isang three-point shot at jumper, para banderahan ang San Mig Coffee.
“Those were two of the toughest shots in basketball and he made it look easy on a very crucial time,” sabi ni San Mig Coffee head coach Tim Cone kay Yap.
Ngunit hindi kaagad umalis ng court si mentor Yeng Guiao at ang tropa ng Rain or Shine.
Ito ay dahil sa sinasabi nilang kabiguan ng mga referee na tawagan ng foul si forward Marc Pingris matapos kumagat sa fake ni Paul Lee bago tumunog ang final buzzer.
“It’s always tough when a game is decided on a call like that,” sabi ni Cone.
Humiling naman si Guiao ng pantay na tawagan sa Game Two.
“I just thought Paul got fouled on that last play,” protesta ni Guiao.
Ang panalo ng Mixers sa Game Two ang maglalapit sa kanila sa inaasam na Grand Slam matapos pagharian ang 2014 PBA Philippine Cup at Commissioner’s Cup.
Ang Crispa ni coach Baby Dalupan ang unang kumuha ng Grand Slam nang magkampeon sa tatlong sunod na komperensya laban sa Toyota noong 1976 season at muling nakamit ito noong 1983 sa ilalim ni mentor Tommy Manotoc.
Ang San Miguel Beer ni Norman Black ang nagposte ng ikatlong Grand Slam sa PBA noong 1989 kasunod ang Alaska, iginiya ni Cone, noong 1996.
- Latest