Matapos matalo kay Algieri Provodnikov malabo nang maikasa kay Pacman
MANILA, Philippines - Naglahong parang bula ang pinangarap ni Ruslan Provodnikov na makasukatan si Pambansang kamao Manny Pacquiao nang makawala ang inaasahang panalo laban kay Chris Algieri kahapon sa Barclays Center sa Brooklyn, New York.
Pinabagsak ng tubong Siberia, Russia si Algieri ng dalawang beses sa unang round pero hindi niya nagawang tapusin ang katunggali na ipinakita ang malaking puso sa pagpanalo sa mga sumunod na rounds.
Gamit ang jabs at magandang pagkilos sa ring, si Algieri na lumaban kahit ang kanang mata ay sarado na matapos tamaan ng malakas na suntok ng Russian boxer sa first round at dumudugo ang ilong, ay nanalo pa rin sa pamamagitan ng split decision.
Sina judges Don Trella at Tom Schreck ay naggawad ng 114-112 iskor kay Algieri para isantabi ang 117-109 panalo ni Provodnikov kay judge Max DeLuca.
Ito ang ika-20 sunod na panalo ng 30-anyos tubong Huntington, New York na boxer pero higit sa pagpapalawig sa winning streak ay ang pagsungkit din sa WBO light welterweight title na idinidepensa sa unang pagkakataon ng Russian boxer.
Inamin ni Provodnikov na nahirapan siya sa istilo ni Algieri na nagpapakawala ng jab na susundan ng pag-atras para makaiwas sa inaasahang malalakas na suntok mula sa dating kampeon.
Sa istatistika na galing sa CompuBox, si Algieri na may Master’s degree sa clinical nutrition, ay lamang sa itinamang suntok, 288-205.
Bunga ng kanyang kabiguan, kailangan muna ni ProÂvodnikov (23-3) na patunayan uli ang sarili para maÂikonsidera sa mas malalaking kalaban.
- Latest