NCFP walang habol sa paglipat ni So sa US
MANILA, Philippines - Walang magagawa ang National Chess FeÂderation Philippines (NCFP) kung nais ni GM Wesley So na ipagpalit ang Pilipinas para sa Estados Unidos.
Ayon kay NCFP secretary-general at Tagaytay City Representative Abraham “Bambol†Tolentino, desisyon ng pamilyang So ang bagay na ito at hindi ito kailanman masasakop ng chess federation.
“It’s really beyond our control,†wika ni Tolentino.
Nagdesisyon na ang 20-anyos na si So na iwan na ang Pilipinas matapos hindi paunlakan ni NCFP president Prospero Pichay ang kahilingan na bigyan siya ng release.
Sa sulat kay Pichay, inamin din niya na noong nakaraang taon pa niya sinimulang lakarin ang mga papeles para makalipat ng Federation dahil mamamalagi na siya sa US at ang kanyang pamilya at nakikita niyang mas makakamtan ang hangaring tagumpay sa chess kung mamamalagi sa Estados Unidos.
Kailangang makuha ni So ang pagpayag ng NCFP dahil kung hindi ay mangangailangan siyang magbayad ng 50,000 euros (halos P3 milyon).
Para hindi magbayad, nakasaad sa FIDE rules na hindi dapat maglaro sa orihinal na pederasyon ang manlalaro na nais na lumipat sa loob ng dalawang taon.
Bilang kapalit sa pagpayag ng NCFP, inalok niya ang sarili na sasama sa ipadadalang Pambansang delegasyon sa World Chess Olympiad sa Tromso, Norway na nakakalendaryo mula Agosto 1 hanggang 15.
Nanghihinayang naman ang kauna-unahang GM sa Asia na si Eugene Torre sa desisyong ito ni So pero wala siyang magawa kundi ang irespeto ito.
Mas maganda rin kung tatanggapin ng NCFP ang alok ni So na maglaro sa Olympiad dahil desidido na rin naman ang GM na nasa ika-15th puwesto sa FIDE rankings na iwan ang Pilipinas.
- Latest