Ring title nakataya sa Nietes-Fuentes fight
MANILA, Philippines - Binigyan ng basbas ng prestihiyosong Ring Magazine ang tagisan nina WBO light flyweight champion Donnie Nietes at Mexican challenger Moises Fuentes sa Sabado sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Si Nietes ang number one ranked ng The Ring sa 108-pound division habang si Fuentes ang nasa ikatlong puwesto.
Bakante ang kanilang titulo sa light flyweight division kaya’t minabuti ng pamunuan na ideklarang kampeon ang mananalo sa laban.
“No. 1 rated Donnie Nietes (32-1-4, 18KO) will square off with No. 3 rated Moises Fuentes (19-1-1, 19KOs) on Saturday. The ratings panel has OK’d this bout to be for The Ring’s vacant junior flyweight title,†panulat ni Chuck Giampa.
Ang title fight na ito ay handog ng ALA Boxing Promotions katuwang ang ABS-CBN at ito ay Pinoy Pride 25 at pinangalanang ‘The Rematch for Glory’.
Ikalawang pagtutuos ito nina Nietes at Fuentes at itinakda ito dahil nauwi sa kontrobersyal na majority draw ang unang bakbakan na ginawa noong Marso 2 sa Cebu City.
Nakabawi na si Nietes sa di magandang resulta kay Fuentes nang patulugin sa ikatlong round si Sammy Gutierrez ng Mexico noong Nobyembre 30 sa Smart Araneta Coliseum.
Matapos ang labang ito ay idineklara na ni Nietes ang kanyang kahandaan na talunin si Fuentes kapag nagkrus uli ang kanilang landas.
Magsisilbing undercard sa main event ang laban nina Milan Melindo at Rey Baustista kontra sa mga Mexicano.
Si Melindo (31-1) ay masusukat kay Martin Tecuapetla (11-5-2) habang si Baustista (34-3) ay mapapalaban kay Sergio Villanueva (26-3-2).
Ito ang unang laban ng 27-anyos one time world challenger na si Bautista sa mahigit na isang taon kaya’t inaasahang pinaghandaan niya ito nang mabuti para sa matinding panalo.
Huling laban ni Bautista ay kontra kay Jose Ramirez ng Mexico na nangyari noong Abril 20, 2013 sa Davao City.
Natalo si Baustista sa split decision para maisuko ang dating suot na WBO International featherweight title upang mamahinga siya sa pagbo-boxing.
Sa ganap na alas-6 ng gabi magsisimula ang aksyon sa Sabado at ang telecast sa ABS-CBN ay sa Linggo sa ganap na alas-11:15 ng umaga. (ATan)
- Latest