Bagong WBA Asia Council Continental Champion: Fareñas umiskor ng TKO kay Velazquez
MANILA, Philippines - Nakuha ni Michael Fareñas ang bakanteng WBA Asia Council Continental super featherweight title nang kunin ang kontrobersyal na second round technical knockout panalo kay Mexican Hector Velazquez noong Biyernes ng gabi sa The Arena sa San Juan City.
Itinigil ang laban sa 1:40 ng ikalawang round nang pumutok ang kanang kilay ni Velazquez.
Sinabi ng kampo ng Mexicano na ang sugat ay likha ng headbutt ngunit idineklara ni referee Bruce McTavish na ang putok ay bunga ng suntok ni Fareñas para makuha ang panalo.
Ito ang ikaapat na sunod na knockout panalo ng 29-anyos boksingero na kilala rin sa taguri bilang ‘Hammer Fist’ matapos lumasap ng unanimous decision pagkatalo kay Yuriorkis Gamboa ng Cuba para sa interim WBA super featherweight title noong Disyembre 8, 2012.
Ito ang ika-38 panalo at 30KOs ni Fareñas maÂtapos ang 46 laban habang ang 39-anyos na si Velazquez na tinalo ni Pambansang kamao Manny Pacquiao noong 2005, ay lumasap ng kanyang ika-21 pagkatalo matapos ang 81 laban.
Naisulong naman ni Dave Peñalosa ang malinis na karta sa 8-0 nang kunin ang 58-56, 59-56, 58-56, unanimous decision panalo kay Alem Robles ng Mexico sa isa pang laban.
Nahigitan ng 23-anyos na si Peñalosa ang naitala ng kapatid na si Dodie Boy Peñalosa Jr. kay Robles noong Disyembre 13 na technical decision panalo.
Ang pa-boxing na ito ay handog ng MAG PACMAN Boxing International Promotions at suportado ng CherrylumE, DIY (Do It Yourself) Hardware at Harrix Wires and Cables at ang Lancaster Hotel ang siyang official hotel. (ATAN)
- Latest