Jarencio bagong coach ng Globalport
MANILA, Philippines - May bagong head coach ang mga Batang Pier.
Ito ay matapos pumirma si Pido Jarencio ng isang two-year contract para hawakan ang Globalport hanggang sa susunod na season ng Philippine Basketball Association (PBA).
Kamakailan ay nagpaalam na si Jarencio sa University of Sto. Tomas at maging sa kanyang mga players.
Sa pagpasok ng dating PBA guard sa Batang Pier ay muli namang bababa sa coaching staff si interim coach Ritchie Ticzon na naipasok ang koponan ni team owner Mikee Romero sa quarterfinal round ng kasalukuyang 2013-2014 PBA Philippine Cup.
Pinatalsik ng No. 2 Rain or Shine, nagbitbit ng ‘twice-to-beat’ advantage, ang No. 7 Globalport sa kanilang quarterfinals match up.
Si Jarencio ay bahagi ng coaching staff ni mentor Gee Abanilla sa Petron Blaze, ngunit hindi na siya binigyan ng panibagong kontrata ng San Miguel Corporation (SMC) matapos ang kanyang termino noong Disyembre.
Si Jarencio ang ikaapat na coach na hahawak sa Batang Pier matapos sina Glenn Capacio, Junel Baculi at Ticzon.
- Latest