Sa UAAP softball: Lady Falcons binomba ang Lady Eagles
MANILA, Philippines - Kumawala ng anim na runs ang Adamson sa unang inning upang mapagningas ang 8-0 shutout panalo sa Ateneo at lumawig pa ang winning streak sa 76th UAAP softball kahapon sa Rizal Memorial Diamond.
Si Luzviminda Embudo ay may two-run single bago humataw si Julie Muyco ng kanyang two-run double pangunahan ang mainit na panimula ng Lady Falcons tungo sa kanilang ika-siyam na sunod na paÂnalo sa season at ika-43 sa kabuuan.
May pitong hits ang kinuha ng tropa ni coach Ana Santiago na nasiyahan sa ipinakita ng bataan matapos mangapa sa porÂma sa huling dalawang laro.
“Napaganda iyong break dahil nakapag-adjust na kami sa mga mali namin,†wika ni Santiago na napahinga ng isang linggo.
Si Rizza Bernardino ang siyang pumukol sa limang inning na laro at nagÂbigay lamang siya ng dalawang hits bukod sa apat na strikeouts.
Kailangan na lamang ng three-time defending champion Lady Falcons na manalo sa UST, UE at La Salle para makumpleto ang 12-0 sweep at umabante na sa Finals bitbit ang mahalagang thrice-to-beat advantage.
Pinalad naman ang UST at National University na nakaiwas sa upset na hatid ng La Salle at UP para manatili sa ikalawa at ikatlong puwesto.
May 5-4 panalo ang Lady Tigresses sa Lady Archers para umangat sa 7-2 baraha habang ang Lady Bulldogs ay may 3-2 tagumpay sa Lady Maroons tungo sa 6-3 karta.
Ang UP ay bumaba sa 3-7 habang ang Ateneo at La Salle ay magkasalo sa 2-8 baraha.
- Latest





















