P45M ang gagastusin ng PSC sa Myanmar SEAG delegation
MANILA, Philippines - Gagasta rin ng malaki ang pamahalaan sa pagpapadala ng maliit na delegasyon sa Myanmar SEA Games.
Ang kawalan ng ‘direct flight’ mula Pilipinas hanggang Myanmar ang nagpalaki sa gastusin ng bansa na papalo na sa P45 milyon.
Nasa 323 ang kabuuang bilang ng Pambansang delegasyon na katatampukan ng 210 atleta bukod pa sa 81 coaches, 17 secretariat at 15 medical personnel.
May nakalaan na P30 milyon pondo ng PSC para sa 2013 na kanilang gugugulin sa paglahok sa SEA Games kaya’t huhugot ang komisyon ng dagdag P15 milyon mula sa kanilang National Sports Development Fund na pinopondohan ng PAGCOR.
Ang pag-abono sa gastos sa Pambansang delegasyon ay hindi naman bago para sa PSC at sa susunod na taon sa paglahok ng bansa sa Asian Games sa Korea ay tiyak na ganito rin ang mangyahari.
Sa hinihinging P182.3 milyong pondo ng PSC sa GAA ay P33.5 milyon ay para sa pagsasanay at aktuwal na paglahok sa Asian Games.
Ang budyet ng bansa para sa susunod na taon na nasa P2.264 trillion ay ipinasa na sa Senado na nagtiyak na may ipantutustos pa ang PSC sa kanilang operations at mga grassroots programs.
Kasama sa popondohan sa GAA ay ang mga prograÂmang PNG at Batang Pinoy bukod sa Laro’t-Saya sa Luneta Park sa Quezon Memorial Circle.
- Latest