Rain or Shine ibabalik si Reid
MANILA, Philippines - Apat na imports na may sukat na 6-5 ang nasa bansa na para sa darating na 2013 PBA Governors Cup na magsisimula sa Agosto 14.
Ang Governors Cup ay magiging isang blitz tournament kung saan ang dalawang mangungulelat na koponan ay kaagad masisibak sa single-round ng eliminations.
Ang top four finishers ay magdadala ng twice-to-beat advantage laban sa apat pang mas mababang koponan sa isang reverse crossover pairings na No. 1 vs. No. 8, No. 2 vs. No. 7, No. 3 vs. No. 6 at No. 4 vs. No. 5.
Ang apat na survivors ang maglalaro sa dalawang best-of-five semifinal series kung saan ang dalawang mananalo ang maglalaban sa best-of-seven finals.
Ibabalik ng Rain Or Shine si import Arizona Reid na may taas na 6-3 sa pagsukat sa kanya noong Hulyo 16.
Ang 27-anyos na si Reid ay ang Best Import sa 2010-11 Governors Cup kung saan siya nagtala ng mga averages na 28.7 points at 15.5 rebounds para sa Elasto Painters na tumapos na pang lima.
Ipaparada naman ng Globalport si Markeith Cummings ng Kennesaw State sa Georgia.
Gagamitin ng Ginebra San Miguel si Dior Lowhorn ng University of San Francisco na naging ikaapat na all-time top scorer sa kanyang eskuwelahan sa nakolektang 2,003 points.
Ibabandera ng Barako Bull si Mike Singletary na naglaro sa Texas Tech.
- Latest