Le Tour dominado ng Iran; Mizbani kampeon
BAGUIO CITY, Philippines --Hanggang sa pagtatapos ng 2013 Le Tour de Filipinas ay walang Filipino cyclist na nanalo sa anumang stage.
Sa halip, ang paboritong Tabriz Petrochemical Team ng Iran ang namayagpag matapos angkinin ang individual at team overall titles sa pagtatapos ng nasabing four-event kahapon dito sa Burnham Park.
Nagposte si Ghader Iranagh Mizbani ng Tabriz ng bilis na apat na oras, 30 minuto at 8 segundo para pagÂharian ang Stage Four na may distansyang 132.7 kilometro mula sa Bayombong, Nueva Vizcaya at isuot ang yellow jersey.
Hindi na natapos ni South Korean Lee Ki Suk ng CCN, nagsuot ng yellow jersey sa unang tatlong yugto, nang mabangga sa steel railings sa 92.5 kms sa AmbucÂlao at nahulog sa 20 talampakang bangin.
Mabuti na lamang at nakahawak siya sa mga talahib at natulungan ni Moto Commissaire Marvin Adrid.
Dahil dito, nakamit ng 38-anyos na si Mizbani, halos apat na buwan pa lamang lumalahok matapos magkaroon ng back injury noong 2012, ang individual award mula sa kanyang kabuuang oras na 16:38:37.
“This is only my second race after one and a half year since I had a back injury. And I’m very, very happy to win this tournament,†sabi ni Mizbani na nakasabay ang kakamping si Hagh Amir Kolahdoz (4:30:08) sa pagtawid sa finish line kasunod si Thomas Rabou (4:30:28) ng OCBC Singapore Continental Team.
Nakapasok sa Top 10 sina Filipino riders Mac Galedo (No.5-4:38:11) ng 7-Eleven Roadbike, Irish Valenzuela (No.6-4:42:44) ng American Vinyl, Joel Calderon (No.7-4:42:44) ng Philippine Navy Standard Insurance, ang daÂting kampeong si Jonipher ‘Baler’ Ravina (No.8-4:42:44) ng 7-Eleven Roadbike at Ronnel Hualda (No.10-4:42:54) ng 7-Eleven Roadbike.
Walang Filipino cyclist na nanalo ng anumang stage.
Ang pinakamalapit ay ang pagiging segunda ng 19-anyos na si Rustom Lim ng LBC-MVPSF Cycling Filipinas na ibinigay ang Stage Three kay Sohrabi ng Tabriz sa rutang Cauayan-Bayombong dahil sa sinasabi niyang respeto sa kapwa niya continental team member.
Itinala ng Tabriz ang tiyempong 50:08:49 para ibulsa ang team overall title kasunod ang 7-Eleven Roadbike (50:51:25) at CNN (50:52:22).
- Latest