Prince nagsalpak ng mahalagang freethrows: Pistons lusot sa Bucks
AUBURN HILLS, Mich. -- Nagsalpak si Tayshaun Prince ng dalawang freethrows sa huling 10.9 segundo para itakas ang Detroit Pistons kontra sa Milwaukee Bucks, 96-94.
Nakabalik ang Pistons matapos isuko ang isang 14-point lead laban sa Bucks.
Tumapos si Prince na may 20 points, habang nagdagdag si Greg Monroe ng 14 points at 10 rebounds para sa Detroit, may lima pang players na umiskor ng double figures.
Umiskor sina Charlie Villanueva at Brandon Knight ng tig-11 points kasunod ang 10 ni Jason Maxiell para sa Pistons.
Nagposte naman si Monta Ellis ng 30 points at 9 assists, samantalang may 24 markers si Erson Ilyasova para sa Bucks.
Parehong nanggaling sa panalo ang Pistons at Bucks laban sa defending NBA champion Miami Heat.
Tinalo ng Detroit ang Miami, 109-99, sa Auburn Hills noong Biyernes at giniba naman ng Bucks ang Heat, 104-85, sa Milwaukee noong Sabado.
Tumipa si Ellis ng isang fallaway baseline jumper sa huling 1:06 para ibigay sa Bucks ang 94-92 bentahe.
Ang hook shot naman ni Prince ang nagtabla sa laro sa 94-94 sa nalalabing 50.5 segundo.
Matapos ang mintis na jumper ni Ellis sa 31.9 segundo ay nakuha ni Maxiell ang rebound.
Mula sa timeout, binigyan ni Luc Mbah a Moute ng foul si Prince para sa dalawang freethrows nito sa natitirang 10.9 segundo.
Ang 3-point shot ni Ilyasova ang nagtabla sa iskor sa 92-92 sa 1:43 para kumpletuhin ang pagbangon ng Milwaukee mula sa isang 14-point deficit.
Nauna nang kinuha ng Detroit ang 78-71 kalamangan papunta sa fourth quarter matapos iposte ang malaking 72-58 abante mula sa basket ni Monroe sa 4:14 sa third period.
Sa isa pang laro, tinalo ng San Antonio Spurs ang Dallas Mavericks, 111-86.
- Latest

















