Donaire boxingscene.com 2012 fighter of the year
MANILA, Philippines - Naging sunud-sunod na ang pagpaparangal ng mga boxing websites kay unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Filipino Flash’ Donaire, Jr.
Ilang araw matapos hirangin ng ESPN.com bilang 2012 Fighter of the Year, ito rin ang iginawad ng BoxingScene.com sa tubong Talibon, Bohol na si Donaire kahapon.
Tinalo ni Donaire para sa BoxingScene.com 2012 Fighter of the Year award sina Danny Garcia, tumalo kina Erik Morales at Amir Khan sa 2012, at Juan Manuel Marquez, nagpabagsak kay Filipino world eight-division titlist Manny Pacquiao.
Apat na magkakasunod na tagumpay ang inilista ng 30-anyos na si Donaire sa 2012 na nagpakita sa kanyang paghahari sa World Boxing Organization at International Boxing Federation super bantamweight divisions.
Ang mga binigo ni Donaire ay sina Wilfredo Vazquez, Jr. ng Puerto Rico, Jeffrey Mathebula ng South Africa, Toshiaki Nishioka ng Japan at Jorge Arce ng Mexico.
Nilusutan ni Donaire si Vazquez via split decision para kunin ang bakanteng WBO super bantamweight title noong Pebrero, habang giniba naman niya si Mathebula para agawin ang suot nitong IBF crown via unanimous decision noong Setyembre.
Isang ninth-round TKO win ang ipinoste ni Donaire kontra kay Nishioka noong Oktubre para sa matagumpay na pagtatanggol ng kanyang WBO title kasabay ng pag-angkin sa itinayang The Ring Magazine belt.
Pinabagsak naman ni Donaire ang kaibigang si Arce, ang dating may hawak ng WBO crown, sa huling segundo ng third round noong Disyembre 15 sa Toyota Center sa Houston, Texas.
Ang dalawang naghahamon naman kay Donaire (31-1-0, 20 KOs) para sa susunod na taon ay sina Guillermo Rigondeaux (11-0, 8 KOs) ng Cuba, ang WBA super bantamweight ruler, at Abner Mares (25-0-1, 13 KOs) ng Mexico, ang kasalukuyang WBC super bantamweight titlist.
Sa dalawa, ang 34-anyos na si Rigondeaux ang malakas ang tsansang makasagupa si Donaire dahil ang kanilang promoter ay si Bob Arum ng Top Rank Promotions.
Ang 27-anyos namang si Mares ay nasa Golden Boy Promotions ni Oscar Dela Hoya.
Inamin ng manager ni Mares na si Frank Espinoza, Sr. na imposible nang maitakda ang Donaire-Mares unification fight.
- Latest