Stags Run 3 uukit ng kasaysayan
MANILA, Philippines - Umaasa ang San Sebastian College-Recoletos na mapapantayan ng Stags Run 3 na tinaguriang “Takbo Para Sa Bokasyon” na nakatakda sa Enero 13, 2013 ang nauna nilang dalawang idinaos na karera.
Ang Stags Run 3 ay pinagpipiliang gawin sa ASEANA City sa Parañaque o malapit sa Mall of Asia.
Hangad ng one-day race na mapondohan ang bokasyon at iba pang apostolates at missions ng OARI kagaya ng sa Palawan at Sierra Leone, Africa, ayon kay Rev. Fr. Joel Alve, ang OAR-overall chairman ng Stags Run 3 at vice president for student welfare.
Umaasa ang mga organizers, kasama dito si San Sebastian president Fr. Anthony Morillo, OAR, na malaking bilang ng partisipante ang makikilahok sa takbuhan matapos maglista ng 5,000 runners sa nakaraang dalawang edisyon.
Ang pagpapatala, nagkakahalaga ng P500 kasama ang bib number at singlet, ay magsisimula sa susunod na linggo at magsasara sa Enero 8 at bukas para lamang sa mga San Sebastian students, staffs, alumnis at iba pang kamag-anak.
Inaasahang susuporta ang mga dating estudyante at Stags sa event kagaya nina JC Tiuseco, Calvin Abueva, Ian Sangalang at Rommel Adducul.
Ang unang dalawang pakarera ay nakapagbigay ng pondo para sa OAR mission sa Sierra Leone sa West Africa at sa Casian Island sa Palawan kung saan tumutok ang Mendiola-based school sa kanilang education apostolates.
“This is the third time we’re holding an event like this and like last year, we hope to get some funds to bankroll our educational apostolate not just in Sierra Leone but also in Palawan,” wika ni Morillo.
Paglalabanan sa karera ang 3k, 5k at 10k at pakakawalan sa ganap na alas-6 ng umaga.
Idinaos sa MOA grounds, ang first edition ay pinagharian ni Justin Tabunda sa men’s side at si Mercedita Manipol-Fetalvero sa women’s side ng 5k division, habang sina Mervin Guarte at Jho-Anne Banayag ang nanalo sa 10k race.
Si Guarte, ngayon ay isa nang Southeast Asian Games medalist at star runner ng San Sebastian, ang muling naghari sa ikalawang edisyon.
- Latest