Puerto Princesa umagaw ng eksena sa Malaysia
MANILA, Philippines - General Santos City--Pumitas ng mga gintong medalya ang Puerto Princesa City at Mindanao sa athletics, habang lumayo naman ang Sabah, Malaysia sa overall race sa 7th BIMP-Eaga Friendship Games kahapon dito.
Inangkin nina Malou Gepolani at Jila Dela Rosa ang women’s javelin throw at 1500-meter run, ayon sa pagkakasunod, para sa dalawang gold medal ng Puerto Princesa.
Inihagis ng 17-anyos na si Gepolani, isang University of the East freshman, ang sibat sa distansyang 30.77 metro para talunin sina Aiza Coma (29.05) at Mary Jane Lawas (27.80) ng Mindanao.
Isang education sophomore sa University of Santo Tomas, nagtala naman si Dela Rosa ng bilis na 5:03.71 sa 1,500m run upang ungusan sina Raznie Faradillah (5:14.73) ng Sarawak, Malaysia at Gabi Salesnella (5:14.93) ng Sabah.
Nakahugot naman ang Mindanao ng ginto mula kay May Meder Langi, nagreyna sa women’s 400m sa tiyempong 1:00.17.
Namayani sina Abdul Gani Ishmael, Al Shamier Ibnohasim at Nohman Ladjamatu ng Mindanao sa finals ng regu male competition ng pencak silat.
Patuloy naman ang paglayo ng Sabah sa nakolektang 25 gold medals, 20 silvers at 17 bronzes.
Nasa ikalawang puwesto ang Sarawak, Malaysia sa naiposteng 12 gold, 14 silvers at 17 bronzes.
- Latest






















