Tig-3 gold ibinigay nina Gavino, Daos sa Quezon City
ILOILO CITY , Philippines -- Pitong gintong medalya ang nilangoy ng Quezon City, kasama dito ang tig-tatlo nina Raissa Regatta Gavino at Kirsten Chloe Daos, sa pagsisimula ng swimming competition ng PSC-POC Batang Pinoy Natonal Finals kahapon dito sa Iloilo Sports Complex.
Kinuha ni Gavino ang mga ginto sa girls’ 11-12 years old 400-meter breaststroke (4:58.15) at 50m breaststroke (36.59), habang nagwagi naman si Daos sa girls’ 13-15 400m freestyle (4:46.09) at 200m butterfly (2:31.71) at nakasama sa panalo ng Quezon City sa 15-under 200m 4x50m medley relay (2:16.04) katuwang sina Shannen Ng at Juliana Sistine Ong.
Ang 11-anyos na si Daos, isang 8th grader sa Immaculate Conception Academy, ay pumitas ng anim na gold medals sa Natonal Capital Region leg sa Marikina noong Setyembre, samantalang may lima ang 12-anyos na si Gavino, hinirang na Most Valuable Player sa elementary division ng 2011 Palarong Pambansa.
Dalawang ginto ang ibinigay ni Jeremy Brian Lim sa Quezon City mula sa kanyang panalo sa boys’ 13-15 400m freestyle (4:31.13) at 200m butterfly (2:20.49).
Bago ang pananalasa nina Gavino at Daos at ng Quezon City, inangkin muna ng 15-anyos na si Erwin Bong Generalao ng Baguio City ang unang gintong medalyang inilatag sa sports meet na para sa mga atletang may edad na 15-anyos pababa.
Ibinulsa ni Generalao, anak ng isang fish vendor sa Brgy. Pingket, Baguio City, ang gold medal mula sa kanyang ipinosteng 16:46.4 sa boys’ 14-15 5,000-meter run para iwanan sina Gilbert Taquio (16:51.66) ng Laguna at Reymark Quezada (17:38.00) ng Baguio City sa Day One ng athletics competition.
- Latest