Malaking pagbabago sa POC magkakaroon ng katuparan, Lopez naaamoy na ang panalo
MANILA, Philippines - Sa Biyernes pa gagawin ang POC Election pero nararamdaman na ni Manny Lopez ang napipintong panalo ng kanyang tiket sa halalan na gagawin sa Alabang Country Club.
“May the best men win but I think we are the best men,” wika ni Lopez nang dumalo sa PSA Forum sa Shakey’s Malate kasama ang mga ka-tiket na sina Victor Africa at Romy Ribano.
Nais ni Lopez na manatili bilang 1st Vice President ng POC, si Ribano ay magnanais na maupo bilang treasurer at board member naman ang hanap ni Africa.
Ang iba pang kasama sa tiket ni Lopez ay sina Monico Puentevella bilang chairman, Bambol Tolentino bilang 2nd VP, Jun Galindez bilang auditor, at Gener Dungo at Hector Navasero bilang board member.
“Hindi ko masabi kung ilan ang aktuwal na bilang, but I believe we have the majority of the votes. Solidung-solido rin ang grupong ito,” dagdag ni Lopez.
Naniniwala siyang malaki ang laban ng kanyang tiket kontra sa grupo ng incumbent POC president Jose Cojuangco Jr. dahil ramdam niya na maraming NSA officials ang nais na magkaroon na ng pagbabago.
“Maraming sigalot ang nangyari sa kapanahunan ni Mr. Cojuangco. Ngayon ay ayaw na namin na maging bulag, pipi at bingi, hindi na ito puwede,” banat pa ni Lopez.
Kasabay nito ay hinamon din ng grupong ito si Cojuangco na patakbuhin na si Go Teng Kok sa halalan upang hindi na magkaroon ng malaking gulo.
Tinuran pa ni Lopez ang binitiwang pahayag ni Cojuangco na handa niyang patakbuhin si Go upang malaman kung ilang boto ang kanyang makukuha kaya’t dapat panindigan ng incumbent president ang pahayag na ito.
Hindi pinayagan ng 3-kataong election committee na itinatag ng POC si Go na tumakbo dahil sa pangambang masuspindi ang Pilipinas sa IOC bunga ng inaasahang paglapit uli sa korte ng PATAFA president para ipatigil ang halalan.
Nilinaw din ni Lopez na hindi nila dadalhin bilang pangulo ng tiket si Go pero magkasama sila sa hanap na pagbabago sa POC.
- Latest