3 hurado ok kina Pacman, Juan Ma
MANILA, Philippines - Tanggap ng kampo nina Manny Pacquiao at Juan Manuel Marquez ang mga napiling tatlong hurado na siyang susuri sa ikaapat nilang pagkikita sa Disyembre 9 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas.
Tinukoy ng Nevada Athletic Commission sina Adalaide Byrd ng Nevada, Steve Weisfeld ng New Jersey at John Keane ng Great Britain na siyang bibigyan ng karapatan na iskoran ang inaasahang mainit na tagisan sa pagitan ng dalawang mahuhusay na boksingero.
Tinuran naman ni NAC executive director Keith Kizer sa panayam ng Las Vegas Review Journal na ang pagpili ay ginawa katulad sa pagpili noong unang nagkrus ang landas nina Pacquiao at Marquez noong 2004 na nauwi sa tabla.
“The first meeting ended in a 12-round draw and had a Nevada judge, one out-of-state judge in New Jersey and one foreign judge,” paliwanag nito.
Swak ang desisyon na ito kay Marquez na naunang ipinangangalandakan na siya ay nabiktima ng maling hurado kaya’t natalo sa ikalawa at ikatlong pagkikita nila si Pacquiao noong 2008 at 2011.
“The judges will be in the eye of the hurricane. Television reporters, by the people, not to be exposed to another controversial ruling,’ll be watching them closely. That leaves me quiet,” wika ni Marquez sa Badlefthook.com.
Si Pacquiao na nabiktima ng masamang judging na lasapin ang split decision pagkatalo kay Timothy Bradley noong Hunyo para mawala ang hawak na WBO welterweight title, ay wala ring pag-aalinlangan dahil nauna niyang hiniling na humanap ang NAC ng mga judges sa labas ng Nevada.
“Not all the judges from Vegas are bad. But for this fight, we should look at using some judges from outside of Vegas,” wika ni Pacman sa hiwalay na panayam sa Las Vegas Review Journal.
Tinokahan naman bilang referee si Kenny Bayless. Ito ang kanyang ikaanim na pagkakataon na mag-o-officiate sa laban ng Pambansang kamao at siya ring referee sa rematch nila ni Marquez noong 2008.
Bukod kay Marquez, third man sa ring si Bayless nang hinarap ni Pacquiao sina Erik Morales, Ricky Hatton, Miguel Cotto at Shane Mosley, mga labang ipinanalo ni Pacman.
- Latest