Grupo ng NSA officials naghain ng malinaw na plataporma para sa sports
MANILA, Philippines - Adbokasya na tutukoy sa pagpapalakas ng palakasan sa bansa ang siyang sinasandalan ng grupo ng mga NSA officials na nais na manilbihan sa Philippine Olympic Committee sa susunod na apat na taon.
Sa pangunguna ni dating PSC commissioner Monico Puentevella, tatakbong chairman, plano nilang paigtingin ang kaalaman sa ‘Olympism’, paglalatag ng ‘Sports by All’ Program, pagpapaunlad sa kaalaman ng mga national coaches at ang paggalang sa awtonomiya ng mga National Sports Associations (NSAs)
Bukod kay Puentevella, tumatakbo rin sa nasabing grupo si Manny Lopez, na nais na manatili bilang 1st Vice President ng POC, Abraham “Bambol” Tolentino bilang 2nd Vice President, Romy Ribano bilang treasurer, Jun Galindez bilang auditor at sina Atty. Victor Africa, Gener Dungo at Hector Navasero bilang board members.
Tinuran ng grupo na tungkulin ng POC ang pagpapakalat ng Olympism at magagawa ito sa pagsama sa mga aralin sa physical education sa mga paaralan at unibersidad.
Ang ‘Sports by All Program’ ay maisasakatuparan sa planong pagtatag ng komisyon para rito habang ang pagpapalalim sa kaalaman ng mga national coaches at iba pa ay makakamit sa pagpapatayo ng Philippine Coaches Accreditation Council.
Titiyakin din ng grupo kung manalo ang pagbibigay respeto sa awtonomiya ng mga NSAs at hindi makikialam ang POC sa gagawing pagpili nila ng mga opsiyales, mga planong programa at mga aktibidades para mapaunlad ang kanilang mga palakasan.
- Latest