Cali, Tagle nangako ng magandang laban sa PXC 34
MANILA, Philippines - Ilang Filipino at Fil-Am fighters ang babandera sa Pacific X-Treme Combat 34 na pakakawalan bukas sa Smart Araneta Coliseum.
Itataya ni boxer Ale Cali ng Davao ang kanyang suot na flyweight title laban kay submission specialist Erwin Tagle sa isang five-round bout.
Magsasagupa naman sina Mark Striegl at Harris Sarmiento sa isang five-round, non-title fight .
“Wala akong maipapangakong submission or knockout. Basta ang maipapangako ko lang ay masisiyahan ang mga fans sa laban namin ni Erwin,” sabi ni Cali sa isang press conference kahapon sa Gateway Suites sa Araneta Center.
Nakamit ng 21-anyos na si Cali ang flyweight crown nang talunin si Jesse Taitano ng Guam sa PXC 29 para maging unang Filipino champion sa PXC.
“Kagaya nga ng sinabi ni Ali, talagang matutuwa ang mga manonood sa amin,” sagot naman ng 34-anyos na si Tagle.
Sinabi ni Vito Lazatin ng Sports5 na ang PXC 34 na ipapalabas sa AKTV sa IBC13 ang magiging pinakamalaking MMA event na mapapanood ng mga Pinoy fans.
“I’ve always been saying every press conference but I’m saying it again, this PXC 34 is the biggest ever because we’re going to the Araneta Coliseum,” ani Lazatin.
Dumalo din sa media conference si PXC champion at The Ultimate Fighter veteran John Tuck, nanalo sa kanyang unang laban sa Ultimate Fighting Championship kontra kay Chinese Zhang Tiequan sa Macau, China.
- Latest