Dapudong lumasap ng split decision loss sa African boxer: pinoy boxer ninakawan ng panalo
MANILA, Philippines - Hindi napanatili sa sahig ni Edrin “The Sting” Dapudong si Gideon Buthelezi ng South Africa upang lasapin ang split decision pagkatalo sa tagisan para sa bakanteng International Boxing Organization super flyweight kahapon sa Emperor Palace Hotel sa Kempton Park, Gauteng, South Africa.
Ang 26-anyos na si Dapudong na nagtangka sa ikalawang pagkakataon na maging world champion ay tila selyado na ang panalo nang patumbahin niya sa lona si Buthelezi sa ninth round matapos magpakawala ng matinding kaliwang hook.
Ngunit hindi na niya nasundan ang malakas na suntok para pumabor sa South African boxers ang mga huradong sina Michael Pernick ng US at Tony Nyangiwe ng South Africa. Si Reg Thompson ng London ang naggawad ng panalo sa Filipino boxer.
Maging ang kampo ni Buthelezi ay nagulat sa hurado dahil putok na rin ang mukha ng kanilang boksingero bunga ng labis na pagpapahirap mula sa malalakas na suntok ni Dapudong.
Ang 26-anyos na tubong M’lang, North Cotabato ay lumasap ng kanyang ikalimang kabiguan laban sa 32 panalo at umuwing luhaan sa ikalawang pagkakataon kung paghangad ng world title ang pag-uusapan.
Noong Hulyo 2, 2011 ay tumungo si Dapudong sa Mexico pero lumasap siya ng third round TKO pagkatalo kay Hernan “Tyson” Marquez para sa hawak ng huli na WBA flyweight title.
Umangat naman si Buthelezi sa 13-3 karta at hinirang siya bilang isang three division champion ng South Africa.
Naunang pinagharian ng 26-anyos na boksingero ang IBO minimumweight at light flyweight divisions.
Bago ang labang ito ay nagbalak si Buthelezi na pag-isahin ang titulo sa IBO at WBC pero lumasap siya ng 2nd round KO pagkatalo kay Adrian Hernandez ng Mexico noong Setyembre 24, 2011.
- Latest