Dapudong sinisipat ang IBO title vs African boxer
MANILA, Philippines - Sisikaping gumawa ng kasaysayan ni Edrin “The Sting” Dapudong sa pagsalang niya sa isang world title fight ngayon sa Emperor’s Place Hotel sa Casino Resort sa Johannesburg, South Africa.
Sasagupain ng 26-an-yos na si Dapudong si two-division champion Gideon Buthelezi ng South Africa at ang mananalo ang siyang mag-uuwi sa bakanteng International Boxing Organization (IBO) super flyweight title.
Hanap ng tubong M’Lang, Cotabato na maging kauna-unahang boksingero mula sa nasabing lugar na naging isang world champion at pawiin ang masakit na pagkatalo nang unang nagtangka na maging kampeon noong nakaraang taon.
Hinamon ni Dapudong si Hernan “Tyson” Marquez noong Hulyo 2, 2011 para sa kanyang WBA flyweight title pero hindi niya kinaya ang lakas ng Mexicano tungo sa third round technical knockout na pagkatalo.
Si Buthelezi ay dating kampeon sa IBO minimumweight at light flyweight divisions.
Kinaharap ng 26-anyos South African boxer si WBC light flyweight champion Adrian Hernandez ng Mexico sa isang unification fight pero natalo si Buthelezi sa pamamagitan ng second round knockout.
Nangyari ang sagupaan noong Setyembre 24, 2011 at namahinga siya hanggang tanggapin ang labang ito.
- Latest























