Martes, Roquin hari ng RUPM marathon
MANILA, Philippines - Hindi man siya kasing bilis tulad ng dati, taglay pa rin naman ni Christabel Martes ang lakas para makapagdomina sa 42.195-kilometer marathon race.
Pinangunahan ng dating SEA Games marathon queen na si Martes ang karera sa kababaihan nang maorasan siya ng tatlong oras, limang minuto at 12 segundo upang maitala ang pangalan bilang kauna-unahang kampeon ng 1st Run United Philippine Marathon (RUPM) na sinimulan sa Bonifacio Global City at nagtapos sa Mall of Asia Ground sa Pasay City.
Wala ang mga pambato sa national team kaya’t walang naging problema ang dating national player na si Martes sa pagsungkit sa unang puwesto.
“Walang naging problema, kahit mga cramps wala akong naramdaman,” wika ni Martes na ang personal best time ay 2:39 na nagawa noong nanalo sa 2005 Manila SEA Games.
Malayong nasa ikalawang puwesto si Luisa Raterta (3:28:12) habang si Jollyann Ballester (3:40.22) ang pumangatlo.
Si Irineo Roquin ang nanguna naman sa kalalakihan sa Filipino category sa 2:42.16 kasunod si Carlito Fantilaga (2:58.56) at Jujet de Asis (3:02.38).
Ang mga Kenyans na sina Alex Welly (2Z:25:03), David Kipsay (2:31.09) at Jackson Chirchir (2:35.59) ang nagsumite ng pinakamabibilis na oras para manalo sa open category.
Umabot sa 12,000 ang mananakbo na nakiisa sa karera na kinatampukan din ng tagisan sa 21K, 10K, 5K, 3K at 500m sprint.
“Sulit ang ilang taong paghihintay namin para makapagdaos ng Philippine Marathon. We are overwhelmed by the support of the running community and this is another milestone for us and for the runners as well,” wika ni Alex Panlilio na head ng Unilab Active Health.
Bago ito ay naunang nagdaos ng Run United 1, 2 at 3 noong Marso 4, Hunyo 17 at Setyembre 16 para ihanda ang mga mananakbo sa mas mahabang distansyang karera.
- Latest