MANILA, Philippines - Hindi sinayang ng FEU ang pagkakataon na makilala bilang kampeon sa junior’s at women’s divisions sa 75th UAAP basketball nang tuhugin nila ang mga katunggali kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Nagpakawala ng dalawang tres sa ikatlong overtime si Roger Domingo upang tulungan ang Baby Tamaraws na ibaon na ang dating kampeon na National University sa 113-109 triple overtime panalo.
Si Domingo ay tumapos taglay ang 23 puntos, kasama ang limang tres, habang si Jerie Pingoy ang bumandera sa FEU sa 32 puntos, 11 rebounds, 7 asssits at 3 steals.
Bago ito ay kinumpleto ng Lady Tamaraws ang makasaysayang kampanya sa women’s division nang angkinin ang 70-66 panalo sa La Salle.
Ito ang ika-16 sunod na panalo ng FEU para maging kauna-unahang koponan na winalis ang kabuuan ng torneo.
May 16 puntos at 16 rebounds si Camille Sambile.