Donaire titiyakin ang panalo kay Nishioka

MANILA, Philippines - Ang panalo kay Japanese superstar Toshiaki ‘Speed King’ Nishioka ang lalo pang magpapatibay sa estado ni unified world super bantamweight champion Nonito ‘The Fil­ipino Flash’ Donaire, Jr. bilang isa sa pinakama­galing na boksingero sa buong mundo.

Ito ang paniniwala ni Bob Arum ng Top Rank Promotions sa kakayahan ng tubong Talibon, Bohol na si Donaire.

“This is the kind of fight that Nonito, who is one the great fighters fighting today, and also in history, these are the kind of fights that you get excited about because this is really a historic fight,” ani Arum sa panayam ng BoxingScene.com.

Haharapin ng 29-an­yos na si Donaire ang 36-anyos na si Nishioka, ang WBC Emeritus super bantamweight titlist, sa Oktubre 14 (Manila time) sa Home Depot Center sa California, USA.

Itataya ni Donaire (29-2-0, 18 KOs) ang kanyang mga hawak na WBO at IBF super bantamweight titles laban kay Nishioka (39-4-3, 23 KOs), habang pag-aagawan din nila ang WBC Diamond super bantamweight crown at ang Ring Magazine belt.

Hindi pa natatalo si Nishioka sa loob ng wa­­long taon kung saan siya nagposte ng isang 16-fight winning streak.

Sa kanya namang hu­ling tatlong laban, nabigo si Donaire na mapatulog sina Omar Narvaez, Wilfredo Vazquez, Jr. at Jeffrey Mathebula matapos magtala ng isang KO win noong Pebrero ng 2011 nang pahigain niya si dating world champion Fernando Montiel sa se­cond round para agawin sa Mexican ang WBO at WBC bantamweight titles.

Show comments