MANILA, Philippines - Sisimulan bukas ang Northern Luzon leg ng 2012 POC-PSC Batang Pinoy Games sa Narciso Ramos Sports and Civic Center sa Lingayen, Pangasinan.
Itatampok ang talento ng mga batang may edad 15-anyos pababa na sasabak sa 12 sports events.
Ang mga sports events na nakalatag sa ikatlong leg ng Batang Pinoy ay ang arnis, athletics, badminton, boxing, chess, karatedo, lawn tennis, swimming, taekwondo at table tennis.
Isasabay din ang national finals sa cycling at baseball.
“Besides showcasing young athletes with exceptional talent, the Batang Pinoy Games here is a glimpse of future national team members capable of winning medals in international tournaments,’’ ani Pangasinan Governor Amado T. Espino, Jr.
Kabuuang 300 atleta ang ipaparada ng Pangasinan bukod pa sa mga delegasyon ng Alaminos at Dagupan.
Maglalahok din ng mga atleta ay ang Baguio City, La Union, Bulacan, Pampanga, Zambales, Nueva Ecija, Cagayan, Isabela, Nueva Viscaya at Ilocos.
Sa Oriental Mindoro idaraos ang Southern Luzon leg sa Oktubre 24-27 at ang Mindanao leg ay gagawin sa Cagayan De Oro sa Nobyembre 7-10 kasunod ang Tacloban.