MANILA, Philippines - Hindi sila nanalo sa kabuuan nilang 14 laro sa nakaraang PBA Philippine Cup.
Kahapon ay binasag nila ang naturang kamalasan matapos igupo ang Globalport, 88-81, sa elimination round ng 2012-2013 PBA Philippine Cup sa Smart Araneta Coliseum.
Bumangon ang Express mula sa kanilang 87-90 kabiguan sa Barako Bull Energy Cola noong nakaraang Miyerkules.
“We’re lucky that Globalport is stil in a getting to know stage just like our team,” ani coach Franz Pumaren. “They’re stil groping for form. (Gary) David just arrived days before the opening. This team is a very dangerous team, especially with David and (Willie) Miller.”
Ito ang ikalawang sunod na kabiguan ng Batang Pier matapos matalo sa Barangay Ginebra San Miguel Gin Kings, 90-110, sa pagbubukas ng komperensya noong nakaraang Linggo.
Matapos kunin ang 41-39 bentahe sa first half, itinala ng Air21 ang 55-49 abante sa 4:52 ng third period mula sa basket ni Nonoy Baclao bago nakalapit ang Globalport sa pagsasara nito, 60-65.
Isang 10-5 atake ang ginawa ng Express upang iwanan ang Batang Pier, 75-65, sa 6:40 ng fourth quarter patungo sa kanilang unang panalo.