MANILA, Philippines -Nagbalik kahapon si Filipino world eight-division champion Manny Pacquiao sa kanyang pagpapakondisyon para sa kanilang pang apat na paghaharap ni Mexican world four-division titlist Juan Manuel Marquez.
Ilang ulit nag-jogging si Pacquiao sa General Santos City Sports Complex kung saan niya nakasabay ang asawang si Jinkee, kakandidato bilang Vice-Governor ng Sarangani.
Matapos ito ay nag-shadow boxing ang 33-anyos na si Pacquiao, hangad ang kanyang ikalawang termino bilang Sarangani Congressman, kasunod ang pagsasagawa ng abdominal exercises at nakilaro ng volleyball.
Maghaharap sina Pacquiao (54-4-2, 38 knockouts) at Marquez (54-6-1, 39 KOs) sa isang catchweight fight sa 147 pounds at sa isang non-title, welterweight bout sa Disyembre 8 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.
Nakatakdang magtungo ang Team Pacquiao sa United States sa susunod na linggo para buksan ang kanilang training camp ni trainer Freddie Roach sa Wild Card Boxing Gym sa Hollywood, California.
Halos dalawang linggo namang nagpapakondisyon ang 39-anyos na si Marquez sa Mexico City.
“After working hard for the first two weeks, my body is aching but later on you get used to the training and become a well-oiled machine,” sabi ni Marquez.
Walong milya ang itinakbo ni Marquez sa Nevado de Toluca kasunod ang pagsisibak ng mga kahoy at pagmamaso ng gulong bilang pagpapalakas ng kanyang resistensya at katawan.
Isang draw ang itinakas ni Marquez sa kanilang unang pagkikita noong 2004 sa kabila ng tatlong beses na pagbagsak sa first round, habang isang split decision naman ang nakuha ni Pacquiao sa kanilang rematch noong 2008.
Umiskor si Pacquiao ng isang majority decision win sa kanilang pangatlong pagtatagpo ni Marquez noong Nobyembre ng 2011.