MANILA, Philippines - Inangkin ng University of Baguio at ng Bataan Polytechnic State University ang mga overall titles sa apat sa anim na weight divisions sa Smart National Inter-School taekwondo championships kamakalawa sa Ninoy Aquino Stadium.
Nagdomina ang mga UB bets sa grade school girls, grade school boys at junior women’s competition, habang nanaig naman ang mga BPSU jins sa senior women’s division.
Tanging ang San Beda College at FEU Diliman ang nagwagi sa hanay ng mga eskuwelahan sa Metro Manila.
Sinikwat ng mga FEU bets ang junior men’s crown, samantalang namayani naman ang mga Bedans sa senior men’s group.
Inungusan ng BPSU ang University of the Philippines at San Beda at tinalo naman ng mga Bedans ang Ateneo at St. Paul University of Manila.
Binigo ng UB ang Diliman Preparatory School at ang SLU-Baguio sa girls’ group, ginapi ang Diliman Preparatory at Lyceum sa boys’ competition at pinayukod ang Camarines Sur National High at School of the Holy Spirit sa junior women’s event.
Humugot ng mga gold medal ang BPSU sa senior women’s event kina Isabelle Galit (flyweight), Meann Grace Bulanadi (bantamweight) at Adriane Ignacio (heavyweight).
Ang mga kumuha ng ginto sa San Beda senior men’s class ay sina John Devy Singson (bantam), Alfred David Ron (lightweight) at Ron Servito (middleweight).