MANILA, Philippines - Mas magandang laro ang inaasahang makikita sa Philippine Azkals sa pagbangga sa mapanganib na Macau sa pagpapatuloy ngayon ng 2012 Philippine Peace Cup sa Rizal Memorial Football stadium.
Sa ganap na alas-7:30 ng gabi magsisimula ang tagisan at hanap ng host team na masundan ang 1-0 panalo na naitala sa Guam sa pagbubukas ng apat na koponan na torneo noong Lunes.
Ang Azkals lamang ang pinalad na manalo sa unang araw sa tatlong araw na tagisan upang pangunahan ang liga sa 3-0 karta.
Kung manalo pa, maiuusad na nila ang isang paa sa pangarap na titulo sa torneo.
Huling laro ng koponan ay ang Chinese Taipei sa pagtatapos ng kompetisyon sa Sabado.
Hindi pulido ang larong nakita sa Azkals laban sa Guam at pinalad lamang ang Fil-German na si Patrick Reichelt na naipasok ang isang header sa 79th minuto para sa natatanging iskor ng laro.
“I’m happy with the win but I expect the team to play better,” wika ni Azkals coach Hans Michael Weiss.
Dapat na maging matibay ang depensa ng koponan dahil naipakita ng Macau ang kanilang kalidad nang tablahan ang Chinese Taipei, 2-2.
Dominado ng Macau ang laban at hinawakan ang 2-1 bentahe pero minalas sila dahil nagbigay sila ng penalty kick kay Yang Chao Sun sa 90th minuto upang mauwi sa tabla ang laban.
Ang mga umiskor na sina Ricardo Torrao at Chan Kin Seng ay tututukan din ng Azkals na tinalo ang katunggaling koponan sa 2011 Long Teng Cup, 2-0.
Ang Taiwanese booters ay magtatangka naman sa unang panalo laban sa Guam sa unang tagisan sa alas-4 ng hapon. (ATan)