'Magpapatayan' para sa huling puwesto sa final four La Salle o FEU?
MANILA, Philippines - Pakay ng isa na mapanatili ang dikit-dikit na paglalaro sa Final Four habang wakasan naman ang ilang taon na pagkawala sa semifinals ang hanap ng isa.
Sa mga linyang ito, bubuhos ang mga manlalaro ng La Salle at FEU para makuha ang mahalagang plano sa gaganaping 75th UAAP men’s basketball playoff sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Nakataya sa mananalo sa ganap na alas-4 ng hapon ang ikaapat at huling puwesto na kukumpleto sa mga maglalaro sa semifinals.
Ang Ateneo, UST at host National University ang nakatiyak na ng puwesto sa Final Four na ang laro ay magsisimula sa Sabado sa Araneta Coliseum.
Nagkaroon 3-way tie sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa pagtatapos ng double round elimination sa 9-5 karta sa hanay ng Bulldogs, Archers at Tamaraws pero pinalad ang una na magkaroon ng pinakamagandang quotient para maiwan ang huling dalawang koponan na magsukatan sa huling pagkakataon.
Hanap ng tropa ni coach Bert Flores na palawigin sa limang sunod na taon ang pagtapak sa Final Four.
Runner-up ang FEU noong 74th season sa Ateneo at inaasahang pangungunahan sila ng kanilang mga bigating manlalaro na sina dating MVP RR Garcia, dating Rookie of the Year Terrence Romeo, Chris Tolomia at ang bagito at masipag na sentro na si Anthony Hargrove.
Pero hindi padadaig ang bataan ni first year coach Gee Abanilla na sisikaping ipagpatuloy ang magandang ipinakikita sa liga.
Ang makukuhang panalo ay magreresulta para wakasan ang tatlong taon na di nakalaro ang Archers sa semifinals at sila ay aasa sa husay nina Jeron Teng, Almond Vosotros, LA Revilla, Norbert Torres at Yutien Andrada upang manatiling lumalaban pa sa season.
Ang magwawagi ang siyang makakaharap ng Ateneo habang ang UST at NU ang magtatapat sa isang pang semis.
- Latest
- Trending