Mga bago sa PBA
Anim na araw na lang at magsisimula na ang 38th season ng Philippine Basketball Association. Parang ganoon lang dumaan ang halos dalawang buwang bakasyon at heto na nama’t labu-labo ulit ang sampung koponang kalahok sa liga.
May isang bagong prangkisa at may dalawang teams na nagpalit ng pangalan.
Binili ng Sultan 900 ni Mikee Romero ang Coca-Cola franchise na siyang may-ari ng Powerade ballclub sa halagang P100 million. Maliit na halaga kung tutuusin para sa katuparan ng isang pangarap. Kasi nga’y ilang beses na rin namang nag-attempt si Romero na maging bahagi ng isang PBA franchise. Nagsimula ito sa Burger King pero hindi nagtagal. Pagkatapos ay sinubukan din niya ang Barako Bull pero hindi naging okay.
Sa wakas ay may sariling prangkisa na si Romero at ang dadalhing pangalan nito ay ang Global Port Batang Pier. Siyempre, pangarap nitong maipagpatuloy ang “excellence” ng Harbour Centre na namayagpag sa Philippine Basketball League (PBL) bago tumiklop ang liga tatlong taon na ang nakalilipas.
At kahit paano’y nakakapagbigay inspirasyon sa Global Port ang pangyayaring nagkampeon ang Rain or Shine sa huling conference ng PBA. Ang Rain or Shine, bilang Welcoat Paints, ang huling PBL powerhouse team na umakyat sa PBA bago ang Global Port o Harbour Centre.
Gaano kabilis kayang magkakampeon ang Global Port sa PBA. Mauuna ba ito sa anim na taong ginugol ng Rain or Shine bago nagkampeon?
Nagpalit naman ng pangalan ang B-Meg at ang Barangay Ginebra.
Ang B-Meg na nagkampeon sa nakaraang Commissioners Cup ay makikilala na ngayon bilang San Mig Coffee.
Hindi naman bago sa mga basketball fans ang San Mig Coffee dahil ang brand na ito ang dating ginamit ng San Miguel Corporation sa PBL. Dito nga huling naglaro sina Arwind Santos at Kelly Williams bago sila umakyat sa PBA.
Idinagdag naman sa Barangay Ginebra ang katagang San Miguel. So bale, Barangay Ginebra San Miguel na ngayon ang team. Kumbaga’y binuo lang naman ang brand name. Kasi, Ginebra San Miguel naman talaga ang pangalan ng produkto.
Pero pareho pa rin namang “never-say-die” ang attitude ng mga manlalaro ng koponang ito na siyang pinakasikat sa buong bansa.
Tatlo naman ang bagong coaches sa PBA.
Sa tatlong ito, isa ang datihan. ito’y si Norman Black na siyang arkitekto ng ikatlong Grand Slam sa PBA noong siya ay coach pa ng San Miguel Beer (ngayo’y Petron Blaze). Si Black ang siyang hahawak sa Talk N Text kapalit ni Vincent “Chot” Reyes. Gagawin niya ito immediately after ng huling laro ng Ateneo Blue Eagles sa kasalukuyang UAAP season.
Ang dalawang bagong coaches ay sina Olsen Racela ng Petron Blaze at Glenn Capacio ng Global Port. Dating magkakampi ang dalawang ito sa Purefoods.
Sa dalawang ito’y mas beterano si Capacio na naging coach ng Far Eastern University Tamaraws sa UAAP, Harbour Centre sa PBL at ng Air Asia Philippine Patriots sa ABL. Si Racela ay coach naman ng national youth team at dating assistant coach ng Petron.
Aabangan din natin kung sino kina Racela at Capacio ang unang makakatikim ng kampeonato. Pero parang may inside track na dito si Racela kasi pambato ang Petron, e!
Ang mga pagbabagong ito ang tiyak na magdaragdag ng excitement sa 38th PBA season.
Tara, watch na!
- Latest
- Trending