Bulldogs inilaglag ang Tamaraws

MANILA, Philippines -  Sinakyan uli ng National University ang husay ng nagdedepensang Most Valuable Player na si Bobby Ray Parks Jr. para kunin ang 84-81 overtime panalo sa FEU at makausad sa Final Four sa 75th UAAP men’s basketball na ang double round elimination ay natapos kagabi sa Smart Araneta Coliseum.

Gumawa ng matinding tres si Parks na nasundan ng dalawang free throws upang tapusin ang 11-2 palitan na nagbangon sa Bulldogs mula sa 73-79 iskor.

May 27 puntos si Parks bukod pa sa 9 rebounds at 3 assists ngunit hindi niya nasolo ang paghahatid ng panalo dahil naroroon din ang suporta ng ibang kakampi tulad nina 6’7 Emmanuel Mbe at Joshua Alolino.

Si Mbe ay may 25 puntos, kasama ang 12 of 14 shooting, bukod pa sa 13 rebounds habang si Alolino ay naghatid ng 9 assists para sa 23-9 kalamangan sa Tamaraws.

“This is not all about me. We came into this game having the trust and confidence with each other,” wika ni Parks.

Dahil sa panalo, nagkatabla ang NU, FEU at La Salle sa ikatlo hanggang ikalimang puwesto sa 9-5 baraha.

Pero dahil hawak ng Bulldogs ang pinakamataas na quotient sa tatlong koponan, sila ang umabante sa number three spot sa Final Four habang ang Archers at Tamaraws ang ma­tutuos sa knockout game sa Miyerkules.

Huling nakapaglaro ang NU sa Final Four ay noon pang 2001 season kaya’t umagos ang luha ng mga panatiko ng koponan sa nakuhang tagumpay.

“This is what we were eyeing for at the start of the season. This is a big win for the NU community,” pahayag ni sophomore coach Eric Altamirano..

Sina Terrence Romeo, RR Garcia at Chris Tolomia ay mayroong 25, 13 at 10 puntos para sa FEU na hindi nasakyan ang pagbangon mula sa 66-73 pagkakalubog sa regulation tungo sa 73-all tabla nang maubos sila sa huli sa overtime.

Samantala, nakasilat pa ang UP Baby Maroons nang talunin ang La Salle, 63-52 sa junior division.

Nagsanib ng puwersa ang mga magtatapos na manlalaro ng Baby Maroons --sina Juanito Gregorio, Aaron Lina, Vince Quejada, Russell Mercado at Paulo Ancheta upang bigyan ng magandang pamamaalam ang kanilang eskuwelahan.

 NU 84 --Parks 27, Mbe 25, Neypes 7, Alolino 7, Javillonar 6, De Guzman 5, Betayene 5, Singh 2, Rono 0.

FEU 81 -- Romeo 25, Garcia 13, Tolomia 10, Hargrove 7, Pogoy 6, Mendoza 5, Escoto 5, Belo 4, Foronda 3, M Bringas 3, Cruz 0

Quarterscores: 23-20, 37-42, 60-55, 73-all, 84-81.

Show comments