MANILA, Philippines - Higit sa 80,000 kalahok ang inaasahang makikiisa sa panawagang linisin ang mga estero sa Metro Manila sa “09.30.2012 Run, Ride & Roll for the Pasig River” sa Setyembre 30 sa Quezon City Memorial Circle.
Iba-ibang paaralan, non-government organizations at ahensya ng pamahalaan ang nangakong makikiisa sa advocacy event na bukas para sa mga mananakbo, siklista, at skateboarders at popondohan ang rehabilistasyon ng mga daluyan ng tubig sa Quezon City.
Hinihimok ang lahat ng lalahok na magdala ng kanya-kanyang lalagyan ng inumin dahil hindi magkakaroon ng disposable cups ang lahat ng water stations na nakapuwesto sa kahabaan ng Commonwealth Avenue.
Isasagawa ito ng Kapit Bisig Para sa Ilog Pasig (KBPIP) upang itaguyod ang pangangalaga sa kalikasan at suportahan ang kautusan ng lokal na pamahalaan ng QC na ikontrol ang paggamit ng mga plastic bag sa mga tindahan, palengke, at iba pang pamilihan sa lungsod.
Ang 15K Ride & Roll para sa mga siklista at skateboarders ay magsisimula sa ganap na alas-4 ng hapon kasunod ang 15K Commonwealth Challenge Run sa alas-4:10 at ang 5K Morning Madness Run ay sa alas-6 ng gabi.
Mag-uumpisa ang mga takbuhan sa QCMC na tutuloy sa Commonwealth Avenue at babalik sa QCMC para sa finish line.