MANILA, Philippines - Magpapalakas ng kapit ang Letran at Jose Rizal University sa mahalagang ikaapat na puwesto sa tagisan ng dalawa sa 88th NCAA men’s basketball ngayon sa The Arena sa San Juan City.
Magkasalo ang Knights at Heavy Bombers sa pahingang Perpetual Help sa 9-6 baraha kaya’t tiyak na pupukpok ang dalawang koponan para makuha ang mahalagang panalo sa larong mapapanood sa dakong alas-5 ng gabi.
Pipilitin naman ng Emilio Aguinaldo College na manatiling palaban pa para sa semifinals sa pagbangga sa talsik ng St. Benilde sa unang laro sa ganap na alas-4 ng hapon.
Sariwa ang tropa ni coach Gerry Esplana sa 94-73 panalo sa Lyceum noong Huwebes upang iakyat ang baraha sa 6-9 katulad ng pahingang Mapua.
Kailangang maipanalo ng Generals at Cardinals ang nalalabing tatlong laro at umasang dalawa sa Jose Rizal, Letran at Perpetual ang hindi na makatikim ng kanilang ika-10 panalo.
Dinurog ng tropa ni coach Vergel Meneses ang bataan ni coach Louie Alas sa unang pagkikita, 101-83, ngunit iba na ang tinatahak ng dalawang koponan sa mahalagang yugto ng kompetisyon.